Aabot sa 32 indibidwal ang naaresto dahil sa kasong online libel mula Enero 1 hanggang Mayo 15, 2026.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) na umabot sa kabuuang 276 kaso ng online libel ang kanilang isinampa.
Batay sa datos ng Anti-Cybercrime Group (ACG), ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa ilalim ng batas, mas mabigat ang kaparusahan sa online libel kumpara sa traditional na libel na saklaw ng Revised Penal Code.
Tinukoy ng PNP na ang online libel ay tumutukoy sa malisyosong pagpaparatang ng krimen, bisyo, o anumang kilos na maaaring makasira sa dangal o reputasyon ng isang tao gamit ang information and communication technology.
Isinagawa ang mga pag-aresto at pagsasampa ng kaso ng mga special operating units ng PNP-ACG kasama ang regional, provincial, city, at district cyber response teams sa iba’t ibang panig ng bansa.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na bagama’t mahalagang kasangkapan ang social media sa komunikasyon, kaakibat nito ang pananagutan ng bawat gumagamit.
“Ang social media ay isang makapangyarihang instrumento ng komunikasyon, ngunit kaakibat nito ang pananagutan. The PNP will remain firm in enforcing the law habang tinitiyak natin na ang karapatan ng bawat isa ay nirerespeto,” pahayag ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
















