Pinabulaanan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang posibilidad ng isang “no-election” scenario sa 2028 na umano’y magpapahaba sa termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni Garcia ang pahayag tugon kay Senadora Imee Marcos kaugnay ng posibilidad ng hindi pagsasagawa ng halalan sa 2028.
Ayon sa Comelec chief, imposibleng mangyari ito dahil malinaw na inaatasan ng Konstitusyon ang pagsasagawa ng eleksyon.
“‘No-el 2028’ will not happen. It’s a mandate of the Constitution to have an election in that year… no contingency for a ‘No-el’ because the election is certain to happen,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, sinisimulan na ng Comelec ang paghahanda para sa presidential elections kahit dalawang taon pa bago ito idaos.
Kabilang sa mga pinag-aaralan ng ahensya ang automation ng halalan, muling pagbubukas ng voter registration, at pagbalangkas ng mga rules at guidelines para sa eleksyon.
Nauna nang pinabulaanan ni Pangulong Marcos ang isyu ng “no-election scenario,” habang tinawag naman ito ng Malacañang na isang “diversionary tactic.”















