Pinayagan nang makauwi ang anim na pasaherong sakay ng lumubog na motorbanca sa may Pandak Island, Hadji Muhtamad, Basilan.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), wala namang gaanong pinsala ang mga sakay ng bangka, maliban sa pagkakababad sa dagat ng ilang oras.
Nabatid na nanggaling ang mga sakay nito sa Jolo, Sulu at patungo ng Zamboanga City nang mangyari ang insidente.
Pero habang naglalabay, tinamaan ng malalaking alon ang bangka kaya ito lumubog.
Agad namang nalaman ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang pangyayari kaya nakapag-deploy sila agad ng search and rescue (SAR) team.
Dinala naman ang mga pasahero sa Coast Guard Sub-Station Maluso para mabigyan ng tulong.
Pagtitiyak ng mga otoridad, magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon kahit nakaligtas ang mga sakay ng bangka, upang malaman kung may naging pagkukulang ang operator at nagpapatakbo ng sasakyang pandagat.