-- Advertisements --

Hinamon ni House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante Jr. si Vice President Sara Duterte na maglabas ng ebidensya ukol sa paratang nito na naghati-hati sa pondo ng school building program ang mga kongresista.

Ibinunyag kasi ni Duterte na direkta umanong kinuha ng House members ang programa ng Department of Education upang paghatian at hanggang ngayon ay wala man lang nagsasalita o nag-iimbestiga.

Ayon kay Abante na hindi maaaring magsalita na lamang nang walang kalakip na ebidensiya.

Sinabi ni Abante na handa ang Kamara na imbestigahan ang akusasyon ni VP Sara basta’t makapagbibigay ito ng ebidensya dahil mayroon silang oversight committee.

Binigyang-diin din ni Abante na dapat mabatid ni Duterte na may karapatan ang Kongreso na busisiin ang budget sang-ayon sa “power of the purse” at isinusumite lamang ito sa kanila.