ILOILO CITY – Palutang-lutang at bangkay na nang matagpuan ang isang anim na buwang sanggol na umano’y nahulog sa seawall sa Barangay Pescadores, Guimbal, Iloilo.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant Jose Nelio Sabran, officer-in-charge ng Guimbal Municipal Police Station, nagpapahangin lang ang mag-amang Vales sa sea wall nang mangyari ang insidente.

Ani Sabran, nakatulog ang ama ng sanggol at hindi na nito namalayang nahulog na pala ang kanyang anak.

Matapos ang ilang oras, napansin ng mga residente ang sanggol na palutang-palutang sa dagat.

Dinala pa ang sanggol sa ospital pero idineklara na itong dead on arrival.

Dagdag ni Sabran, umamin ang ama na nakainom ito bago mangyari ang insidente.

Labis naman ang hingpis ng pamilya ng sanggol sa sinapit ng sanggol.