KALIBO, Aklan – Sinaksak ng isang ama ang kanyang sariling anak bago siya naglaslas ng kanyang tiyan sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bubog, Numancia, Aklan.
Ang suspek na hindi pinangalanan batay sa kahilingan ng pamilya ay 30-anyos at nagtatrabaho sa isang pribadong kompaniya sa bayan ng Kalibo. Ang biktima ay anim na taong gulang lamang.
Ayon kay Barangay Kagawad Mark Anthony Leyson, pagdating nila sa bahay ng suspek ay bigla umano itong lumabas sa kanilang kuwarto na duguan at itinapon ang dalang dalawang kutsilyo.
Inamin din nito na pinatay niya ang kanyang anak.
Sinasabing hiniram ng suspek ang anak sa poder ng kanyang lolo at lola sa Barangay Laguinbanua East, Numancia.
Sa inisyal na imbestigasyon, dumanas ng depresyon ang ama dahil sa hindi nila pagkakaunawaan ng misis na isang police officer na nanay ng bata.
Narekober mula sa crime scene ang dalawang kutsilyo at isang lubid na hinihinalang gagamitin sana sa tangka nitong pagbigti.
Kasalukuyang ginagamot sa isang pribadong ospital ang suspek.