-- Advertisements --

Dinagdagan ang requirements ng mga dumarating na Filipino sa bansa, para matiyak na mahaharang ang posibleng pagpasok ng sinumang nagtataglay ng COVID-19 United Kingdom (UK) variant.

Ayon sa Interagency Task Force (IATF), inaayos na ng technical working group ang pagkakaroon ng fifth day testing, lalo’t nangangailangan ito ng dagdag na testing kits at mga tauhang magsasagawa nito.

Natuklasan kasi ng mga eksperto na sa unang araw na isinalang sa test ang unang Pinoy na may UK variant ay negatibo ito sa virus, ngunit kalaunan ay nagpositibo na ito sa naturang sakit.

Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, posibleng nasa incubation period pa lang ang virus sa unang araw ng isinagawang test, kaya na-detect lamang iyon pagkalipas ng halos isang linggo.

Naniniwala si Vergeire na sa pamamagitan ng 14-day mandatory quarantine at fifth day COVID-19 testing, mas mababantayan ang bansa laban sa pagpasok ng bagong variant na sinasabing mas mabilis makahawa.