-- Advertisements --

Dinepensa ni private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang kanyang pagiging agresibo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at sinabing bahagi ito ng kanyang tungkulin na ipaglaban ang interes ng publiko at hindi para manakot ng mga testigo.

Ginawa ni Tolosa ang pahayag matapos maging tensyonado ang kanyang pagtatanong kay dating Education Undersecretary Michael Poa noong pagdinig noong Setyembre 2.

Ayon kay Tolosa, nagbabago ang estilo ng isang abogado sa korte depende sa sitwasyon.

“We have to clarify na ang strategy, hindi laging kailangan na pare-pareho ang demeanor sa court. At minsan kailangan mo talagang to stand your ground,” wika ni Atty. Tolosa.

Aniya, may mga pagkakataong kailangang maging kalmado, habang may mga pagkakataon namang kailangang maging mas matatag at ipaglaban ang argumento.

“Siguro ang pagiging assertive nadadala natin dito dahil naniniwala tayo na mas mabigat ang pinaglalaban natin dito, hindi lang personal interest ng isang tao, ang pinaglalaban natin dito interest ng buong publikong Pilipino,” dagdag ni Tolosa.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagdinig matapos tutulan ng abogado ng depensa na si Atty. Sheila Sison ang pahayag ni Tolosa tungkol kay Poa.

Pinabura ni Senate President at presiding officer Francis Escudero sa rekord ang naturang pahayag at pinaalalahanan si Tolosa dahil sa palitang kumain ng oras sa pagdinig.

Sinabi ni Tolosa na tungkulin ng abogado na ipaglaban ang karapatan ng kanyang kinakatawan at tiyaking naiiwasan ang kawalang-katarungan.

Sa impeachment trial, sinabi niyang mas mabigat ang kanyang responsibilidad dahil hindi lamang personal na interes ang kanyang ipinaglalaban kundi ang interes ng buong publiko.