Lahat ng mga samples na dumaan sa sequencing ng Philippine Genome Center (PGC) mula Nobyembre hanggang Disyembre sa mga biyahero galing sa mga bansang apektado ng Omicron variant ay pawang mga Delta COVID-19 variant cases, maliban na lamang sa iisang B.1.1.203 variant case.
Sinabi ito ni PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma kasunod nang isinagawa nilang genome sequencing sa 574 samples kamakailan.
Nilinaw naman ni Saloma na ang natukoy na isang kaso ng B.1.1.203 variant ay hindi naman ikinukonsidera sa ngayon bilang variant of concern o hindi kaya ay variant of interest, maliban na lamang kasi na ito ay galing din sa “B lineage”.
“It’s a B.1.1.203, but it’s not classified as either a variant of concern or variant of interest sa dahilan na hindi naman siya nagkakaroon ng mga mutations kung saan parang you would think na meron siyang changes in transmissibility, wala namang ganoon,” giit ni Saloma.
Kahapon, sinabi ng Department of Health (DOH) na kahit isa sa 250 biyahero sa South Africa na dumating sa bansa mula Nobyembre 15 hanggang 29 ay hindi nagpositibo sa Omicron variant.