-- Advertisements --

Lumagda sa isang manifesto ang 53 Mindanaon lawmakers na nagpapahayag ng mariing pagtutol sa isinusulong na secession o paghiwalay nito sa Pilipinas.

Ayon kay Lanao del Norte 1st District Representative Mohamad Khalid Dimaporo ang pirmadong dokumento na may titulong “Unified Manifesto of Mindanao Congressmen for National Integrity and Development” ay pagpapakita ng suporta kay Pangulong Bongbong Marcos na tutol din sa planong secession.

Ipinunto ni Dimaporo na kailangan aniya ng Mindanao ay kaunlaran at hindi ang iginigiit na “independence”.

Nanawagan din ang kongresista sa mga local chief executives na manindigan laban sa paghiwalay ng Mindanao.

Tanong ni Dimaporo, saan ba pumapanig ang mga gobernador at alkalde at susuporta ba sila sa hakbang pabalik sa madilim na bahagi ng kasaysayan.

Sinsero umano si Pangulong Marcos sa pagtitiyak na naisasakatuparan ang peace agreement para sa ikatatahimik at ikauunlad ng Bangsamoro region.

Pinuri naman ni Dimaporo ang Marcos administration sa kanilang dedikasyon na tugunan ang problema sa Mindanao.

Bukod sa mga Mindanao legislators lumagda din sa manifesto ang tatlong partylist representatives partikular sina Kabayan Rep. Ron Salo, PBA Rep. Margarita “Migs” Nograles, Kusug Tausug Rep. Shernee Tan-Tambut at Biliran Rep. Gerardo Espina Jr.