BACOLOD CITY — Itinuturing na morale booster ng Joint Task Force Negros ang pagtipon-tipon ng mga sibilyan at dating miyembro ng New People’s Army upang magprotesta sa ginagawang karahasan ng rebeldeng grupo sa Negros Occidental.
Umabot sa halos 500 na mga rebel returnees at iba pang indibidwal ang nagtipon sa harap ng Fountain of Justice sa Old City Hall ng Bacolod bilang bahagi ng kilos-protesta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Army Capt. Cenon Pancito III, spokesperson ng Joint Task Force Negros, nagpapakita lamang ito na sumusuporta ang mga Negrense sa mga hakbang ng gobyerno upang matigil na ang ginagawang karahasan ng komunistang grupo.
Nagpasalamat naman ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa suportang ibinigay ng mga residente.
Ayon kay Pancito, sisikapin ng tropa ng gobyerno na matigil na ang ginagawa ng NPA.
Sumama rin sa nasabing aktibidad si 303rd Infantry Brigade commander Brigadier General Benedict Arevalo at iba pang local officials sa lalawigan ng Negros Occidental.
Ayon sa Army commander, nagpapakita lamang ito na nakamulat na ang mga residente sa masamang ginagawa ng komunistang grupo.