CEBU CITY – Sugatan ang isang 5-year-old na batang lalaki matapos itong aksidenteng nabaril ng kanyang kalaro sa Brgy. Cogon, bayan ng Dumanjug, Cebu.
Kinilala ang biktimang si alyas “Baby Boy” at residente ng nasabing lugar kung saan kalaro nito ang isa pang 5-anyos na pinsan.
Ayon kay PSMSgt. Ian Joseph Arapo ng Dumanjug PNP, nakatanggap sila ng report mula sa security guard ng isang pagamutan tungkol sa sinapit ng bata.
Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na nakapulot umano ang magpinsan ng isang baril mula sa kanilang kapitbahay.
Laking gulat naman ng dalawang bata na pumutok ang kanilang inakalang toygun kaya naman tinamaan si Alyas Baby Boy sa kanyang tuhod at dumaplis ito sa kanyang tenga.
Sa sobrang sakit, nagpasaklolo naman ang pinsan ng biktima kaya naman isinugod agad ito sa pagamutan.
Huli na lang nang mapag-alaman ng PNP na isang .38-caliber revolver pala ang nilalaro ng mga bata.
Inaalam pa ngayon ng otoridad kung sino ang may-ari ng naturang armas habang nakalabas na sa pagamutan ang biktima matapos itong binigyan ng medikal na atensyon.