-- Advertisements --

Umapaw na ang ilog sa may Barangay Sta. Fe sa San Marcelino sa probinsiya ng Zambales nitong umaga ng Sabado, Agosto 8.

Nagresulta ito ng pagkalubog sa baha ng tulay ng barangay at ilang bahagi ng Sta. Fe National High School. Bunsod pa rin ito ng walang habas na pag-ulang dala ng pinaigting pa na hanging habagat.

Sa kabila nito, iniulat ng San Marcelino Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na wala pang isinasagawang paglikas sa mga residente, wala ring casualties, walang napinsalang bahay o insidente ng lanslide sa munisipalidad.

Nananatili ring nadaraanan ang mga pangunahing kalsada gayundin mayroon pa ring suplay ng kuryente at komunikasyon sa lugar.

Patuloy namang minomonitor ng local officials ang sitwasyon sa binahang eskwelahan at sa umapaw na ilog uipang makapagsagawa ng kaukulang hakbang.

Nagsagawa na rin ang barangay officials ng clearing operations sa mga debris na nakahambalang sa mga daanan ng tubig at sa tulay. Naglagay na rin ang mga ito ng sandbags bilang bahagi ng mga ginagawang hakbang para mapahupa ang baha.

In-activate na rin ng municipal government ang kanilang Emergency Operations Center and response cluster at nagdeploy ng monitoring teams sa high-risk areas.