-- Advertisements --

Magpapatuloy hanggang bukas, Agosto 7, ang mga serye ng pag-ulang dala ng bagyong Maymay, sa kabila ng paghina ng naturang bagyo.

Ayon sa state weather bureau, nagbabanta pa rin ang 100-200 mm na pag-ulan sa mga probinsiya ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, at Benguet hanggang bukas ng tanghali.

Makakaranas din ng 50-100 mm ng ulan ang mga probinsiya ng Ilocos Norte, Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Nueva Vizcaya hanggang bukas ng tanghali.

Ayon sa weather bureau, posibleng magdulot ng malawakang pagbaha ang naturang bulto ng ulan, lalo na sa mga mababang komunidad.

Sa kabilang banda, patuloy ding magpapaulan ang hanging habagat sa maraming bahagi ng bansa bukas.

Inaasahang makakaranas ng 100-200 mm ng ulan ang mga probinsiya ng Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, habang 50-100 mm ng ulan naman ang inaasahang bubuhos sa mga probinsiya ng Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, at Batangas.