Umakyat na sa 22 katao ang bilang ng nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng bagyong Luis, Maymay at habagat, ayon sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Sabado, Agosto 15.
Nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng nasawi ang Benguet na nasa 15 kabilang ang sampung nasawi dahil sa landslide sa Baguio City.
Kinumpirma rin ng konseho ang mga nasawi sa La Union, Rizal at Batangas.
Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap sa tatlong napaulat na nawawala kabilang ang isa mula sa Alaminos City sa Pangasinan, isa mula sa Batangas City at isa mula sa Candelaria sa Quezon province.
Naapektuhan naman ng tatlong weather systems ang 4.8 milyong katao kung saan nasa 14,600 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center.
Napinsala rin ang 1,800 kabahayan dahil sa sama ng panahon kung saan may mga bahagyang napinsala at totally damaged.
Umaabot naman na sa P3.3 billion ang halaga ng danyos sa imprastruktura at P689.7 million sa agrikultura kung saan ang bigas ang commodity na pinakamatinding naapektuhan.
















