Posibleng maranasan ng mga motorista ang malaking bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, kasunod ng paghupa ng tensyon sa Gitnang Silangan at paglakas ng piso laban sa dolyar.
Batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at average foreign exchange sa nakalipas na apat na araw, sinabi ng isang induustry source ng langis na maaaring bumaba ng P4.50 hanggang P5.00 kada litro ang presyo ng diesel at P4.50 hanggang P5.00 kada litro rin ang gasolina.
Ayon sa source, bumaba ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa panibagong pag-asa sa diplomatikong pagresolba ng alitan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagpababa sa geopolitical risk premium sa merkado.
Dagdag pa nito, malaki rin ang ibinaba ng presyo ng diesel at gasolina sa merkado ng Asya kasabay ng pagbaba ng presyo ng krudo at paghupa ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis.
Nakatulong din umano ang paglakas ng piso laban sa dolyar ngayong linggo upang higit pang mapababa ang inaasahang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito kinabukasan ng Martes.
















