-- Advertisements --

Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may paliwanag umano ang mabilis na paggasta ng P125 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni defense counsel Atty. Michael Poa na may mga paliwanag ang OVP kaugnay ng naturang disbursement kaya hindi sila pumayag sa stipulation ng prosekusyon na nagastos ang P125 million sa loob lamang ng 11 araw nang walang karagdagang paglilinaw.

Ayon kay Poa, nais ng depensa na magkaroon ng cross-examination upang maipaliwanag ang paggamit ng confidential funds.

Gayunpaman, sinabi niyang pumayag ang kanilang kampo na tanggapin bilang stipulated facts ang ilang dokumentong isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA).

Sa pagdinig ng impeachment trial, tumestigo si dating COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office state auditor Roderick Wamil, na iniharap ng House prosecution upang ipaliwanag ang mga naging findings ng COA sa paggamit ng confidential funds ng OVP.

Ayon pa kay Poa, na hindi na ikinagulat ng depensa ang testimonya ni Wamil dahil ang mga ito ay batay lamang sa mga naunang findings ng COA.

Aniya, ang naging papel ng testigo ay kilalanin at ipaliwanag ang mga natuklasan ng COA, at wala aniyang bagong impormasyon na hindi pa nila nababasa sa mga audit findings.