-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon sa naganap na sunog na kumitil sa buhay ng 5 miyembro sa isang pamilya sa Purok-5, Caramcam, Brgy Mangagoy, Bislig City, sa lalawigan ng Surigao del Sur kaninang madaling araw.

Ayon kay SFO3 Danilo Lozarito, Chief Operation at Chief Investigator ng Bislig City Central Fire Station, nakatanggap sila ng fire call bandang alas- 3:54 ng madaling araw kungsaan 80 porsiento na ang sunog pagdating nila sa nasabing lugar.

Nakontrola ang apoy bandang alas-4:06 ng madaling araw at nadeklarang fireout pasado alas-4:11 na at dito na nakita ang mga biktima sa loob ng kanilang kwarto sa ikalawang palapag.

Ang mga biktima ay ang amang si Winifredo Lita, asawa nitong Juliet Quiapo, 28-anyos at kanilang tatlong mga minor-de-edad na anak na may edad 8-anyos, 6-anyos, at 3-anyos.

Ayon sa opisyal, hindi na nakalabas ang mga biktima mula sa nasusunog na bahay kungsaan sa sala nagsisimula ang apoy, dahil iisa lang ang entrance at exit habang naka-grills naman ang kanilang mga bintana.