NAGA CITY – Arestado ang limang drug personalities habang apat na menor de edad naman ang na-rescue matapos ang isinagawang raid ng mga otoridad sa isang drug den sa Iriga City, Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina Mark Jayson Monda, 26; Stuart Dimaiwat, 25; Francis Iri Abel Lopez, 30; Randix Ramirez, 34 at Archel Alanis, 42.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Col. Elmer Mora, hepe ng Iriga City PNP, sinabi nitong nahuli ang mga suspek sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Manuel Rosales ng Regional Trial Court Branch 34.

Ayon kay Mora, una na silang nakatanggap ng impormasyon na ginagawang drug at chick den ang naturang restobar kung saan armado rin aniya ang nangangasiwa nito na si Monda.

Kaugnay nito, agad namang bumuo ng operasyon ang pulisya katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency kung saan naaktuhan ng mga ito ang mga suspek na nagpapot session.

Maliban dito, na-rescue din aniya nila ang apat na dalagita na agad namang itinurn over sa City Social Welfare and Development Office.

Narekober sa lugar ang nasa 11 sachet ng shabu, isang sachet ng marijuana, dalawang unit ng cal. 45 na baril at mga bala.

Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang mga suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.