-- Advertisements --

Tahasang binatikos ni US President Donald Trump ang “cancel culture” ng mga nagpatumba ng iba’t ibang mga monumento sa isinagawang mga protesta laban sa racism.

Pahayag ito ni Trump kasabay ng selebrasyon ng Amerika sa July 4 o ang kanilang Independence Day.

Sa kanyang talumpati sa tanyag na Mount Rushmore, kinondena ni Trump ang mga nagbuwal sa mga istatwa ng mga Confederate leaders, na tinawag nitong mga “angry mobs.”

Minaliit lamang din nito ang mga demonstrasyon ukol sa racial equality na umano’y kampanya lamang para burahin ang kasaysayan at bastusin ang kanilang mga bayani.

“We will not be silenced,” wika ni Trump.

Nangako rin ang pangulo ng Amerika na kanyang poprotektahan ang mga monumento laban sa tinawag nitong “left-wing cultural revolution.”

Partikular na tinukoy ni Trump ang Mount Rushmore, na magiging panghabambuhay na simbolo ng kanilang pagkilala sa kanilang mga ninuno at sa nararanasan nilang kalayaan.

“This monument will never be desecrated, these heroes will never be defaced,” ani Trump.

Dagdag ni Trump, mahaharap sa mabigat na parusa ang mga indibidwal na magtatangkang sirain ang mga tinawag nitong “symbols of national heritage,” kung saan maaari raw makulong ang mga ito ng hanggang 10 taon. (BBC)