Pawang “not guilty” ang ipinasok na tugon ng apat na US-based administrators ng Kingdom of Jesus Christ church na pinamumunuan ng self-proclaimed owner of the universe na si Pastor Apollo Quiboloy.
Humarap ang mga ito sa Los Angeles federal court para sa kasong sex at labor trafficking.
Kabilang sa mga ito ang tatlong southern California based defendants na sina Guia Cabactulan, Amanda Estopare at Marissa Duenas.
Habang si Felina Salinas naman ay nag-pasok ng plea virtually, habang siya ay nasa Hawaii.
Ang naunang tatlo ay kabilang sa January 2020 indictment na nagresulta sa Federal Bureau of Investigation (FBI) raid sa KOJC compound sa Van Nuys, California.
Nabatid na siyam ang kabuuang bilang ng mga nabasahan na ng sakdal, ngunit wala pang linaw kung kailan haharap sa hukuman ang Filipino based pastor na si Quiboloy.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng Department of Justice (DoJ) ang extradition request mula sa US government, para mapaharap si Quiboloy sa korte ng America.
Habang sinusulat ang balitang ito, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ng pastor hinggil sa naturang development.