LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng pamunuan ng 9th Infantry Division ng Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia na kabilang sa apat na nasawi sa engkwentro sa Brgy. Tugas, Matnog, Sorsogon ang isang high-ranking official ng New People’s Army (NPA).
Kinilala ito na si Robert Estiller na umano’y commanding officer nang tinaguriang Sentro de Grabidad Larangan 2, Komiteng Probinsiya 3 ng Bicol Regional Party Committee na nago-operate sa mga bayan ng Bulan, Irosin, Matnog, Magallanes, Castilla at Juban ng naturang lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office chief Major Ricky Aguilar, tinatayang higit 60 katao amg nakasagupa ng pwersa ng pamahalaan habang nagsasagawa mg combat operations.
Sinasabing nagpupulong sa lugar ang grupo kaugnay ng ilulunsad na tactical offensive, extortion at ilan pang mga aktibidad sa nalalapit na anibersaryo ng NPA sa Disyembre 26.
Patuloy namang kinikilala ngayon ang tatlo pang nasawi sa engkwentro na tumagal ng isa’t kalahating oras.
Samantala, nakuha naman mula sa pinangyarihan ng engkwentro ang anim na matataas na kalibre ng armas kabilang na ang dalawanf M203 grenade launchers, isang M653 rifle at tatlong M16 rifles.
















