KALIBO, Aklan – Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Aklan matapos ang naranasang malawakang pagbaha na kumitil sa buhay ng ilang katao at nag-iwan ng malaking pinsala sa agrikultura, imprastraktura at mga ari-arian.
Sa ginanap na special session ng 19th Sangguniang Panlalawigan, pormal na idineklara ng gobyerno probinsyal sa pangunguna ni Aklan Governor Jose Enrique Miraflores ang state of calamity sa pamamagitan ng Resolution No. 2022-214 “A Resolution Declaring The Entire Province Of Aklan Under A State Of Calamity Due To Heavy Rains Partly Brought About By Tropical Depression ‘Paeng’ As Assessed By The Provincial Disaster Risk Reduction Management Council PDRRMC.”
Layunin nito na magamit ang 30% ng quick response fund para sa mga apektadong residente.
Sa inilabas na initial damage assessment report ng PDRRMC nakapagtala ang ahensya ng apat katao na nasawi, dalawang iba pa ang pinaghahanap, isa ang sugatan at 15 kabahayan ang nasira.
Maliban dito, umaabot sa halagang P21,484,203 ang pinsala sa agrikultura; P62,200,000 naman sa imprastraktura habang nasa 11,234 na pamilya ang apektado na binubuo ng 42,061 na indibidwal.
Posible pang madagdagan ang bilang ng mga apektadong pamilya gayundin ang pinsalang iniwan ng bagyong Paeng sa patuloy na pagkalap ng report ng PDRRMO mula sa mga local disaster unit.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang clearing operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga kalsada na inabot ng landslides at gayundin ang flushing ng Bureau of Fire Protection o BFP Aklan sa mga pangunahing kalsada dahil sa napuno ito ng putik dulot ng pag-apaw ng tubig-baha mula sa Aklan river.