-- Advertisements --

Lusot na sa kasong graft ang apat na dating miyembro ng Pre-qualification, Bids, and Awards Committee (PBAC) ng Iloilo City.

Sa 66-pahinang desisyon na may petsang Hunyo 7, sinabi ng anti-graft court na bigo ang prosecution na mapatunayang guilty sa kasong graft sina Jose Junio Jacela, Reynaldo Asuncion, Ely Bagtasus, at Nilo Moralidad.

Ang apat na ito ay inaakusahan nang pagbibigay ng pabor kay Alexander Trinidad, may-ari ng construction company na Ace Builders and Enterprises (ABE), para sa P125 million Iloilo City Housing Project sa Pavia.

Ayon sa Sandiganbayan Fourth Division, nagkaroon nang paglabag sa Presidential Decree 1594 na nag-oobliga sa bawat proyekto na dumaan sa “competitive public bidding” nang ibinigay ang kontrata sa ABE.

Sa kasong ito, bagama’t lumalabas aniya na mayroon namang bidding na isinagawa bago ang pag-award ng kontrata sa ABE, hindi naman ito maikokonsidera ng korte bilang competitive dahil unqualified ang naturang kompanya.

Pero sa kabila nito, mahina ang mga ebidensya na iprinisenta ng prosecution sa anti-graft court para masabi na nagkaroon ng “partiality, evident bad faith, and gross inexcusable negligience” sa panig ng apat na akusado.

Paliwanag pa ng Sandiganbayan, hindi rin sapat ang ebidensya para masabi na nagkaroon ng conspiracy ang mga akusado.

Kung maaalala, kasama rin sa kasong ito si dating Iloilo City Mayor Mansueto Malabor, subalit nauna nang ibinasura ng Sandiganbayan ang kaso nito noong 2020 matapos naman itong pumanaw.