Umapela si Senador Erwin Tulfo na dapat nang pag-isipan ng Pilipinas kung nararapat pa bang ipagpatuloy ang pagsunod sa One-China Policy, kasunod ng patuloy na pangha-harass ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, iginiit ni Tulfo na habang iginagalang ng bansa ang posisyon ng China hinggil sa Taiwan, kabaligtaran naman at tuloy-tuloy ang pambubully nito sa ating teritoryo.
Dagdag pa niya, tila “parang langgam” na lamang ang turing ng China sa Pilipinas, dahil kahit ilang ulit na tayong nagpoprotesta ay patuloy lamang nila itong binabalewala.
Binigyang-diin pa ng senador na bagama’t sumusunod din ang Estados Unidos sa One-China Policy, hindi naman sila nakararanas ng pambu-bully, taliwas sa Pilipinas na patuloy na hina-harass at hindi iginagalang partikular sa WPS.
Samantala, sinabi ni Senadora Imee Marcos na tila walang epekto ang daan-daang diplomatic protests na inihain ng bansa laban sa China.
Nanindigan naman si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na nananatiling pangunahing sandata ng gobyerno ang diplomasya.
Ipinaliwanag niya na mahalaga ang mga diplomatic protests bilang bahagi ng dokumentasyon na maaaring magamit sa mga kasong internasyonal, gaya ng arbitral ruling.
Aminado si Lazaro na hindi agad nagbubunga ng resulta ang diplomasya at dayalogo, ngunit mahalaga pa rin aniya ito sa pagsisikap na maresolba ang tensyon sa West Philippine Sea.