Patay ang apat na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan faction matapos makasagupa ang mga sundalo kaninang umaga sa Datu Paglas, Maguindanao.
Ayon kay Brig. Gen. Roy Galido, commander ng 601st Infantry Brigade nakasagupa ng mga sundalo ang teroristang grupo na nagtangka pa sanang tumakas.
Sa nasabing labanan, narekober ng militar ang bangkay ng apat na nasawing BIFF members.
Nakumpiska rin ng mga sundalo ang gamit ng grupo, na isang high powered firearm at war materials.
Ayon kay 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Juvymax Uy ang nasabing grupo ay ilang araw ng target ng militar sa kanilang pinalakas na military operations na nagsimula pa noong Sabado ng tinangka ng mga ito salakayin ang palengke ng Datu Paglas.
Nangyari ang maagang sagupaan sa Datu Paglas, matapos bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang headquarters ng 6th Infantry Division sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kahapon May 11, 2021.
Pinulong ng pangulo ang mga military area commanders kasama ang mga local officials ng Central Mindanao at BARMM sa isang pribadong pagtitipon sa loob ng kampo ng militar.
Sa nasabing pulong, nanawagan ang pangulo sa mga local chief executives na tulungan sila sa pagsugpo sa terorismo sa Central Mindanao.
Pinuri naman ng pangulo ang efforts ng mga operating troops sa pakikipaglaban ng mga ito sa grupo ng BIFF at Daulah Islamiyah.
Sa kabilang dako, siniguro ni Gen. Uy, hindi sila titigil hangga’t hindi nauubos ang mga local terrorists na nag-o-operate sa kanilang areas of responsibility.
Tiniyak din ng heneral na mananagot ang BIFF na nasa likod sa tangkang pag-atake sa bayan ng Datu Paglas.