-- Advertisements --

Nakipagpulong si Pangulo Ferdinand Marcos Jr. sa Ambassador ng France at sa Chargé d’Affaires ng Embahada ng Czech Republic upang talakayin ang kaso ni Zaldy Co.

Sa nasabing pagpupulong, ipinahayag ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya na, sa kabila ng masigasig na pagsisikap ng Pilipinas, nananatiling malaya si Co sa Europa.

Humiling siya ng karagdagang impormasyon kung ano ang nangyari at kung bakit pinalaya si Co mula sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic.

Gayunpaman, nananatili siyang kumpiyansa sa matibay na ugnayan ng Pilipinas sa France at Czech Republic na nakabatay sa mga pinagsasaluhang pagpapahalaga, kabilang ang paggalang sa rule of law.

Umaasa ang Pangulo na sa mga susunod na panahon ay mas mapalalakas ang kooperasyon sa larangan ng pulisya, batas, at hudikatura upang sa wakas ay maibalik si Zaldy Co sa Pilipinas at harapin ang hustisya.

Si Co ay nahaharap sa mga kasong kriminal sa Pilipinas.

Noong nakaraang taon, iniulat na siya ay naaresto sa Czech Republic ngunit kalaunan ay pinalaya ng mga awtoridad doon.

Nagsumite ang pamahalaan ng Pilipinas ng extradition request upang maibalik si Co sa bansa, ngunit nananatiling hamon ang proseso dahil sa mga legal na teknikalidad at requirements ng European jurisdictions.

Ang pagpupulong ng Pangulo sa mga kinatawan ng France at Czech Republic ay bahagi ng mas malawak na diplomatic efforts upang palakasin ang international cooperation laban sa mga tumatakas sa batas.