Naniniwala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na madaragdagan pa ang $4.26 bilyong halaga ng pamumuhunan na makukuha ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbisita ito sa Saudi Arabia.
Ayon kay Speaker Romualdez ang madaragdag na papasok na pamumuhunan sa bansa ay mangangahulugan na mas darami rin ang mapapasukang trabaho ng mga Pilipino.
“I believe that the strategic partnership that is emerging from this meeting will open doors to new ventures, create job opportunities for our people, and further enhance our economic growth,” dagdag pa ni Romualdez.
Ayon kay Romualdez ang nakuhang $4.26 bilyong halaga ng investment mula sa mga kasunduang pinasok ng mga kompanya na nakabase sa Saudi at Pilipinas ay inaasahan na makalilikha ng mahigit 15,000 trabaho para sa mga Pilipino.
Nasaksihan ni Pang. Marcos at Speaker Romualdez ang paglagda sa apat na kasunduan sa Riyadh.
Ayon sa Minister of Investments ng Saudi Arabia na si Khalid A. Al-Falih maraming negosyante sa kanilang bansa ang interesado na mamuhunan sa Pilipinas.
Isa umano sa pinag-aaralan ng mga ito ang Maharlika Investment Fund gayundin ang pagpasok sa sektor ng enerhiya at kemikal, logistics, turismo, real estate, at agrikultura.
Interesado rin umano ang Saudi na mamuhunan sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas upang dumami ang suplay ng pagkain, food processing, at manufacturing.
Sinabi naman ni Speaker Romualdez, na nais ng administrasyong Marcos na magkaroon ang Pilipinas ng business-friendly environment, at pabilisin ang proseso ng pagnenegosyo sa bansa.
Ipinunto ni Speaker Romualdez na nasimulan na ang pag-amyenda sa mga batas upang mas mabuksan ang ekonomiya sa pamumuhunan ng mga dayuhan.
Kasama dito ang Foreign Investments Act, Retail Trade Liberalization Act, Public Services Act, at Renewable Energy (RE) Act.
Sinabi ni Speaker Romualdez sa mga mamumuhunan sa Saudi na mabibigyan ng tax incentive ang mga ito sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.