Umabot na sa 32 katao ang kumpirmadong nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat at ng mga nagdaang Bagyong Luis, Maymay, at Neneng, batay sa pinakabagong ulat ng Office of Civil Defense (OCD).
Naitala sa lalawigan ng Benguet ang pinakamaraming naging biktima kung saan 15 katao ang nasawi bunsod ng matitinding pagguho ng lupa o landslides. Nagtala rin ng mga namatay sa La Union, Rizal, Batangas, Quezon, Mindoro, Negros Occidental, at Caloocan dahil sa pagkalunod, electrocution, rockslide, at pagkabagsak ng mga puno.
Bukod sa mga nasawi, may 19 na indibidwal ang naitalang nasugatan habang tatlo naman ang patuloy na hinahanap sa Quezon City, Manila, at Batangas.
Tinatayang pumalo na sa 8 milyong tao o humigit-kumulang 2.3 milyong pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang mahigit 25,800 na indibidwal na kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center. Umabot din sa P6.11 bilyon ang naitalang pinsala sa mga imprastraktura habang P2.32 bilyon naman ang nawala sa sektor ng agrikultura.
Samantala, umabot sa 3,000 kabahayan ang naitalang nasira, kung saan 349 dito ang tuluyang nawasak, habang 117 local government units (LGUs) na ang nagdeklara ng State of Calamity. Tiniyak naman ng pamahalaan na patuloy ang pagpapadala ng saklolo kung saan umabot na sa P1.65 bilyong halaga ng relief assistance ang naipamahagi sa mga apektadong mamamayan.















