-- Advertisements --

Pumalo na sa humigit-kumulang 390 katao ang kumpirmadong nasawi habang mahigit 1,400 pa ang nawawala matapos ang malagim na pagguho ng yelo at bato na nagdulot ng katastropikong baha sa Nepal at rehiyon ng Tibet sa Tsina.

Ayon sa mga awtoridad, hindi bababa sa 389 ang pumanaw sa Nepal habang tatlo naman ang nasawi sa Tibet.

Kabilang sa mga nawawala ang daan-daang lokal na residente at mga dayuhang turista mula sa India, United States, United Kingdom, Canada, Australia, at China.

Naging matinding hamon sa mga pamahalaan ang search and rescue operations dahil sa mga nasirang kalsada at tulay sa bulubunduking rehiyon.

Dahil dito, gumamit na ng mga helikopter ang rescue teams upang maghulog ng pagkain, gamot, at tolda, pati na rin sa paglikas sa mga nasugatang biktima.

Batay sa pagsusuri ng mga siyentipiko, ang trahedya ay dulot ng pagguho ng malaking bahagi ng glacier at bato sa Lhende River na mabilis na sumagasa sa mga bayan at lambak.

Nagpaabot na ng milyon-milyong dolyar na emergency aid at paunang tulong ang United Nations at iba’t ibang bansa upang umalalay sa mga apektadong komunidad.