-- Advertisements --

Naglabas ng mahalagang traffic at safety advisory ang NLEX Corporation para sa lahat ng mga motoristang bumabaybay sa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) kasabay ng patuloy na pagbuhos ng malalakas na ulan dulot ng Habagat.

Sa pampublikong abiso ng pamunuan ng NLEX, pinapaalalahanan ang mga drayber na mag-ingat sa pagmamaneho dahil sa dulas ng kalsada at mababang visibility sa highway.

Pinapayuhan ang lahat na magbawas ng bilis, panatilihin ang ligtas na distansya (safe braking distance) sa ibang sasakyan, at buksan ang mga ilaw sakaling masungit ang panahon. Tiniyak din ng kumpanya na naka-standby ang kanilang mga patrol crew, Incident Response Teams, at mga towing equipment sa mga estratehikong lugar upang agad na makatugon sa anumang emergency o pagbara sa daan.

Samantala, itinaas na rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Red Alert ang pambansang status para sa disaster response.

Batay sa abiso at ulat ng NDRRMC, patuloy ang kanilang mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at emergency response agencies para sa paglikas at pamamahagi ng saklolo sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha at pag-ulan sa rehiyon.