Tatlumpung aspiring doctors mula sa Taguig ang unang batch ng mga benepisyaryo ng INvesting in the Value of Education through Stewardship for Taguigeños o INVEST Scholarship Program for Medicine ng Pamahalaang Lungsod.
Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang awarding ceremony para sa tinaguriang Batch Tanglaw, ang kauna-unahang grupo ng mga iskolar na tatanggap ng buong scholarship para sa pag-aaral ng medisina.
Sasagutin ng programa ang kanilang tuition at miscellaneous fees, bukod pa sa ₱15,000 buwanang allowance habang sila ay nasa medical school.
Nakapasok ang mga iskolar sa top 10 medical schools sa bansa, kung saan aabot sa P590,000 kada taon ang halaga ng scholarship depende sa kanilang paaralan.
Ayon kay Mayor Lani, layunin ng programa na makapag- produce ng mas maraming doktor na maglilingkod sa mga Taguigeño sa hinaharap.
Ang 30 iskolar ay napili mula sa 127 aplikante matapos ang masusing pagsusuri batay sa kanilang akademikong kakayahan, pangangailangang pinansyal, at kahandaang magsilbi sa publiko.
Sa kasalukuyan, mahigit 130,000 scholars na ang natulungan ng lungsod sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad at higit 6,000 dito ay mga licensed professionals na, kabilang ang 88 physicians.
Kabilang sa mga unang scholars sina Joy Charity Heart Santos ng Lower Bicutan at Bernadette Jerusalem ng Bagumbayan.
Ayon sa kanila, ang naging karamdaman ng kanilang mga magulang ang lalong nagpatibay sa kanilang hangaring maging mga doktor at makapaglingkod sa kapwa.










