-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang agarang imbestigasyon sa hindi tamang pagresponde ng emergency 911 sa Lungsod ng Taguig.

Nagbunsod ang reklamo matapos ang paghingi ng tulong ng isang lalaki kung saan tumawag ito ng emergency 911 dahil kailangan ng tulong ng kaniyang ama.

Dahil sa kawalan ng mga kagamitan ng rumespondeng ambulansya ay pumanaw ang ama nito.

Sinabi nito DILG Secretary Jonvic Remulla , na kaniyang nakausap si Director Francis Fajardo ng DILG Emergency Call 911 kung saan natanggap ang tawag ng 12:15 ng tanghali nitong Sabado.

Ang biktima ay 71-anyos na lalaki na residente ng Maharlika Village, Taguig na dumanas ng mild stroke at kailangan ng ambulansya.

Inilapit ang tawag sa Taguig Command Center ng 12:17 ng hapon kung saan nangako sila ng pagpapakalat ng ambulansiya.

Hindi na nakatanggap ng kumpirmasyon ang DILG kung nakapagpadala ba sila ng mga ambulansya sa lugar.

Dagdag pa ni Remulla, na base sa paunang ulat na maaring nagkaroon ng problema sa paghawak ng kaso sa mga naka-duty.

Una ng kinumpirma ng DILG na kanilang inimbestigahan ang insidente matapos na umabot sa halos 10 minuto bago sagutin ng 911 emergency ang tawag.