Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na natukoy ng kanilang ahensya ang isang partikular na lugar sa Taguig City na may direktang kaugnayan sa mga operasyon at kalakalan ng ilegal na droga.
Ayon kay Matibag, bagama’t itinuturing na “open secret” o pampublikong kaalaman na ang naturang lugar sa lungsod, minabuti muna nitong huwag isapubliko ang eksaktong lokasyon habang patuloy pa ang kanilang masusing case build-up at imbestigasyon. Binigyang-diin ng opisyal na ang naturang hakbang ay bahagi ng mas malawak na pambansang kampanya ng NBI laban sa bawal na gamot matapos makatanggap ng ulat kaugnay ng mga suspected drug den at tinatawag na “shabu tiangge” sa lugar.
Kasabay nito, mariing itinanggi at iginiit ni Matibag na walang anumang kulay o motibong pulitikal ang isinasagawang crackdown sa Taguig City. Ipinaalala ng pinuno ng NBI na ang bawat kilos ng ahensya ay nakabatay lamang sa nakalap na ebidensya, proseso ng batas, at sa prinsipyo na walang sinuman ang nakatataas sa batas.
Pumutok ang usapin matapos ihayag ng NBI na natunton ng kanilang mga imbestigador—mula sa isang kamakailang buy-bust operation—na ang supply ng ilegal na droga ay nagmula sa mismong natukoy nilang lugar sa Taguig. Gayunman, nauna nang inihayag ng Taguig City Police Station na batay sa kanilang sariling beripikasyon at mga rekord, walang umiiral na aktibong drug den sa lungsod.
Nilinaw naman ni Matibag na maaaring magkaiba ang batayan at saklaw ng intelligence ng pulisya at ng NBI. Samantala, nagpahayag ng kahandaan ang Southern Police District (SPD) na makipagtuwang at magpalitan ng impormasyon sa NBI upang maiproseso at ma-validate nang maayos ang anumang ulat hinggil sa ilegal na droga sa lungsod. (report by Bombo Genesis Racho)
















