-- Advertisements --

NAGA CITY – Plano na ng mga otoridad sa Sta. Salud, Calabanga, Camarines Sur, na i-lockdown ang lugar kung saan matatagpuan ang imahe ng Amang Hinulid.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Virginia Oliva ng nasabing barangay, sinabi nito na ito lamang ang naiisip nilang paraan upang maiwasang mas kumalat ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Oliva, taon-taon ay libo-libong deboto ng Hinulid ang bumibisita sa lugar upang magdasal at makahawak sa imahe partikular tuwing Mahal na Araw.

Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang lahat na mag-alay na lamang ng dasal sa loob ng kani-kanilang bahay.

Inabisuhan din nito ang mga negosyante na huwag na munang magtungo sa kanilang lugar dahil tiyak na malulugi lamang ang mga ito kung wala namang mga tao.

Ang imahe ay taunang dinarayo ng mga deboto na mula pa sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon at bansa tuwing Semana Santa.

Dito rin nagtatapos ang taunang “Alay Lakad” kung saan naglalakad ang mga deboto mula sa Lungsod ng Naga at dadaanan ang tatlong bayan bago makarating sa naturang kapilya.

Sa darating na Abril 5 ay ipagdiriwang ang Palm Sunday o Linggo ng Palaspas na siyang hudyat ng pagsisimula ng Holy Week.