BAGUIO CITY – Hindi na nagkaila pa ang tatlong turista mula Metro Manila na sa kanila ang mga marijuana bricks na nakuha mula sa kanilang mga bag sa isinagawang interdiction operation sa isang bus terminal sa Baguio City kagabi.

Nakilala ang mga ito na sina Joseph Brizuela, 22, residente ng Antipolo City; Samuel Flor, Christian Baldovino, 21, residente ng Antipolo City at si Rhey John Hernandez, 24, residente ng Pasig City.

Nakumpiska mula sa mga turista ang 17 na marijuana bricks at dalawang tubular shape na marijuana na nagkakahalaga lahat ng P2 million.

Ayon sa mga operatiba, nagmula sa Bontoc, Mt. Province ang bus na sinakyan ng tatlong turista at isinagawa ang operasyon nang bumaba na ang mga ito sa bus terminal sa Slaughter Compound sa Baguio City.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng mga unit ng PDEA-Cordillera, Baguio City PNP, Benguet PNP at Mt. Province PNP.

Nahaharap naman ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong turista.