KORONADAL CITY – Binigyang-pugay ang kabayanihan ng tatlong sundalo kabilang na ang tatlong kasapi ng CAFGU dahil sa kanilang katapangan laban sa teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.
Kinilala ang mga sundalong binigyan ng Wounded Personnel Medal na sina Cpl. Ericson Baliza, Pfc. Tirso Magalong na kapwa nakadestino sa 5th Special Forces Battalion at si Pfc. Jade Panigon mula naman sa 57th Infantry Battalion.
Maliban sa mga ito, kinilala rin ang tatlong CAFGU members na sina Jhonny Tumbaga, Danilo Faustino at Edwin Bastida ng 38th Infantry Battalion.
Mismong si 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Diosdado Carreon ang nanguna sa pagsabit ng mga medalya sa naturang mga sundalo na nagpapagaling ngayon sa Camp Siongco Station Hospital sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay Lt. Col. Roberto Breboneria, tagapagsalita ng 6th ID, binibigay ang Wounded Personnel Medal sa mga sundalong nasugatan at nagpakita ng tapang laban sa terorista at karahasan.
Nabatid na nasugatan ang naturang mga sundalo sa inilunsad na Law Enforcement Support Operation laban sa puwersa ng BIFF at Dawla Islamiyah sa SPMS box.