KORONADAL CITY – Pahirapan sa ngayon ang daan sa tatlong Sitio sa bayan ng Tampakan, South Cotabato dahil sa sunod-sunod na landslide simula pa kahapon dahil na rin sa walang tigil na pagbuhos ng ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tampakan Mayor Leonard Escobillo ang nasabing mga lugar ay kinabibilangan ng Sitio Alyong, Datal Biao, Bongsba ng Barangay Danlag.
Ayon kay Mayor Escobillo, ang nasabing mga lugar ang itinuturing na landslide prone area sa kanilang bayan at lalong lumala simula nang araw-araw na pagbuhos ng ulan.
Dahil sa nangyaring landslide nahihirapan ngayong bumaba sa poblacion area ang mmga residente sa nabanggit na mga Sitio dahil kahit motorsiklo ay mahirap na makadaan sa gumuhong lupa.
Sa katunayan may motorista ring nahulog sa gumuhong daan sa nabanggit na barangay.
Sa ngayon nagpapatuloy ang clearing operation sa lugar at inaasahan na tatagal pa umano ng isang linggo bago maging passable ang mga daan dito.
Humingi na rin ng tulong ang munisipyo sa probinsiya upang mabilis na maayos ang mga daan.