-- Advertisements --

Itinuturing na legal victory ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang naging hatol ng Quezon City regional trial court laban sa tatlong sangkot sa investment scam.

Ayon kay SEC Chairperson Emilio Aquino, hindi nasayang ang kanilang 11 taong paghahabol laban sa mga dawit sa iligal na aktibidad.

Kabilang sa mga hinatulang guilty beyond reasonable doubt ng Quezon City Regional Trial Court Branch 90 sina Rolando Pascua, Jr., Celia Pascua at Mary Jane Recto.

Napatunayang nilabag ng mga ito ang Section 8 ng Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code (SRC).

Milyon-milyon umano ang nakuha ng mga ito sa 22 complainants-investors, na nagpursige ring habulin ang mga sangkot sa pangongolekta ng investment kahit walang sapat na permiso.

Ang tatlong nahatulan ay mga opisyal umano ng RJF Construction and Development Corp. na nangako ng hanggang 60% kada taon, pero hindi naman naipagkaloob sa kanilang investors.