Kinumpirma ng pamunuan ng Bureau of Corrections (Bucor) na tatlong preso ang nakatakas mula sa New Bilibid Prison Maximum Security Compound kaninang ala-1:00 ng madaling araw, January 17, 2021.
Dahil dito, agad na naglabas ng flash alarm ang Bucor bilang public warning.
Ayon kay Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag, nakikipag-ugnayan na rin sila ngayon sa Philippine National Police (PNP) para palakasin pa ang manhunt operations.
Nanawagan naman si Chaclag sa publiko na kung may mga nakuha silang impormasyon hinggil sa tatlong nakatakas na preso agad ipagbigay alam sa Bucor authorities sa kanilang hotline number: 09178049362, 09186001081 o kaya ireport sa pinakamalapit na police station sa kanilang mga lugar.
Sinabi ni Chaclag na ang mga nakatakas na preso ay kinukunsiderang armado at mapanganib.
Kinilala ni Chaclag ang mga nakatakas na pugante na sina: Arwin Villeza Bio, 35, tubong Javier, Leyte at convicted sa kasong murder, attempted murder; Drakilou Yosores Falcon, 34, tubong Libasgua, San Miguel, Surigao Del Sur at convicted sa kasong Tandag City, Surigao Del Sur; Pacific Villaruz Adlawan, 49, tubong San Austin Norte, Tandag City, Surigao Del Sur at nahaharap sa kasong frustrated homicide at paglabag sa Sec 15, Art 11, RA 9165 (drug use), may pending homicide case din sa RTC Br 89, Bacoor City, Cavite.
Sa ngayon, pinalakas na ng Bucor at PNP ang kanilang pagtugis laban sa tatlong nakatakas na inmates.