-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas ng karagdagang PhP8.68 bilyong pondo para sa Department of Education (DepEd) upang suportahan ang patuloy na pagpapatupad ng Expanded Career Progression (ECP) System para sa mga personnel ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, ang karagdagang pondo na ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ni Acting Secretary Kim Robert de Leon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyong Marcos na kilalanin ang karanasan, kakayahan, at propesyonal na pag-unlad ng mga kawani sa sektor ng edukasyon.

Tinatayang mahigit 93,344 personnel ng pampublikong paaralan sa buong bansa ang makikinabang sa naturang pondo.

Sinabi ni Castro na saklaw ng pondo ang implementation requirements para sa Fiscal Year 2025 at Fiscal Year 2026 para sa mga nabigyan ng Notices of Organization, Staffing, and Compensation Action o NOSCA at appointments.

Libu-libong guro sa mga pampublikong paaralan ang na-promote na sa buong bansa sa ilalim ng ECP System.

Sa ilalim ng ECP System, maaaring umangat ang mga guro sa mas mataas na teaching positions na may kaukulang dagdag-sahod nang hindi kinakailangang iwan ang pagtuturo sa classroom para lumipat sa administrative posts.

Alinsunod din ang programa sa commitment ni Pangulong Marcos na walang public school teacher ang dapat magretiro bilang Teacher I sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malinaw na oportunidad para sa career advancement batay sa kanilang qualifications, karanasan, at professional growth.

Sinabi ni Castro na ipoproseso ng mga DBM regional offices ang pondo upang matiyak ang agarang pagpapalabas nito sa kaukulang DepEd regional offices.

Ayon kay Castro, para sa Fiscal Year 2027, iminungkahi ng administrasyon ang PhP12.9 bilyong pondo para sa patuloy na pagpapatupad ng ECP System, mas mataas ito ng PhP5.94 bilyon o 96.6 porsiyento kumpara sa pondo ng programa para sa Fiscal Year 2026.