-- Advertisements --

Walang umanong epekto sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court ang kasong grave threats na kinahaharap niya sa Quezon City Regional Trial Court, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, magkahiwalay ang dalawang proseso dahil ang RTC ang humahawak sa criminal case, habang ang Senado bilang Impeachment Court ang tumatalakay sa impeachment case laban sa bise presidente.

Binigyang-diin niya na ang pagdetermina ng Quezon City court na may probable cause laban kay Duterte ay hindi nangangahulugang napatunayang nagkasala na ito o may pinal nang hatol ang korte.

Sa impeachment trial, kailangan pa rin aniyang ilahad ng defense team ni Duterte ang kanilang mga ebidensiya bago magpasya ang mga senador bilang impeachment judges.

Noong Hulyo, natapos na ng House prosecution panel iharap ang kanilang kaso sa ilalim ng Article IV ng impeachment complaint, na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Noong Biyernes naman, Setyembre 4, naglabas ng arrest warrant ang Quezon City court matapos nitong makitang may probable cause para kasuhan si Duterte ng tatlong bilang ng grave threats.

Nag-ugat ang kaso sa mga pampublikong pahayag ni Duterte noong 2024 na sinabi niyang nag-hire siya ng isang assassin upang patayin sina Pangulong Marcos, ang First Lady at Romualdez sakaling matuloy umano ang planong pagpatay sa kanya.

Nagpiyansa si Duterte ng P360,000 sa Quezon City RTC noong Sabado.

Kasunod nito, nanawagan si Gatchalian sa pulisya na seryosong imbestigahan ang pahayag ni Duterte na nangangamba siya para sa kanyang buhay.

Binigyang-diin ng Senate President na dapat makaramdam ng seguridad ang lahat, kabilang ang bise presidente.