-- Advertisements --

Nagpadala na raw ng summons ang Commission on Elections (Comelec) sa tatlong disqualification case laban kay Sen. Bongbong Marcos.

Kasunod na rin ito ng pag-raffle sa tatlong petisyon na napunta sa Comelec First Division.

Kabilang na rito ang petisyon na inihain ni Bonifacio Ilagan ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) kasama ang ilang religious at youth rights advocates.

Mga peitsyong inihain ng Akbayan Citizens’ Action Party at ang petisyon ni Abubakar Mangelen.

Isasagawa naman daw ng First Divison ang preliminary conference sa Enero 7, 2022.

Layon ng Akbayan petition na ma-disqualify si Marcos habang ang petisyon ng CARMMA at allied groups ay nais nilang madiskuwalipika at makansela ang certificate of candidacy (COC) ng dating senador.

Nag-ugat ang disqualification case laban kay Marcos dahil daw sa hindi nito pagbabayad ng buwis.

Sa kanilang petisyon, sinabi ng grupo na convicted daw si Marcos ng walong beses ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 105 noong 1995 dahil sa kabiguang maghain ng income tax returns bilang governor ng Ilocos Norte para sa taong 1982 hanggang 1985.

Maliban dito, sinabi ng grupo na bigo rin umanong magbayad ang dating senador ng kanyang deficiency taxes.

Sinabi ng mga petitioners, hindi raw dapat payagan ng Comelec na tumakbo si Marcos dahil sa kanyang conviction sa paglabag sa Internal Revenue Code na siyang basehan para sa penalty at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.

Pero base naman sa ruling ng Court of Appeals (CA) nang iakyat ito ng kampo ni Marcos sa appelate court ay pinagmulta na lamang ang nakababatang Marcos ng mahigit P67,000 at tinanggal ang parusang pagkakakulong.

Nais pa noon si Marcos na iapela ang desisyon ng CA sa Supreme Court (SC) at hiniling na palawigin ang paghahain nito ng petition for certiorari.

Pero agad namang iniatras ni Marcos ang kanyang petisyon at binayaran na lamang ang kanyang multang P67,137.27.

Sa mga lumabas na report at base sa official receipt na inisyu ng Land Bank of the Philippines na may receipt number 10622824 at may petsang December 27, 2001 nakalagay ditong binayaran na ng buo ni Marcos ang kanyang multa.

Kinumpirma rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagbayad si Marcos ng kanyang obligasyon sa pamamagitan ng kopya ng BIR payment forms na may numerong 0605 at 1904.