-- Advertisements --

chinese

Kinasuhan na ng Pasay City police ang tatlong indibidwal na kinabibilangan ng dalawang Chinese at isang Pilipino, matapos ma-rescue ang dalawang bihag nila na pawang mga Chinese rin.

Kasong kidnapping and serious illegal detention ang isinampa ng PNP laban sa tatlong suspeks.

Kinilala ni Pasay City police office chief Col. Cesar Paday-Os ang tatlong naarestong suspeks na sina Zhu Beibei, Niu Xing Yong, at ang kanilang Pinoy driver na si Rolando Olvido Jr.

Ayon kay Col. Paday-os, humingi ng tulong sa PNP ang kaibigan ng dalawa at dito isinagawa ang isang entrapment operation.

Inaresto sa isang paradahan sa Barangay 13, Pasay City, kagabi ang dalawang Chinese at isang Pinoy na sangkot sa umano’y pangingidnap.

Pinababa sila ng van matapos abutan ng pera ang isa sa kanila.

Sinabi pa ni Col. Paday-os isinagawa nila ang entrapment operation matapos mag-demand ng P400,000 kapalit sa kalayaan ng dalawang biktima.

Pero ayon kay Col. Paday-os, pangalawang grupo na ito na kumidnap sa dalawang biktimang Chinese na parehong 38-anyos at nakatira sa Makati.

Nabatid na ibinenta ang dalawang biktima sa isa pang grupo na siyang nagkulong sa kanila sa Las Pinas.

Pinagbayad umano ng 1.5 million Chinese yuan o mahigit P11 milyon sa pamamagitan ng electronic transfer ang mga kamag-anak ng mga biktima sa China.

Batay naman sa pahayag ng mga biktima, nag-apply sila ng trabaho sa isang nagpakilalang employer sa Las Piñas at nang sila ay mamasukan noong weekend, tinutukan na umano sila ng baril at ikinulong ng 3 araw sa isang bahay.