ILOILO CITY- Patuloy pa na ginagamot sa hospital ang tatlong biktima ng pananaksak kasabay ng pagdiriwang ng pista ni Nuestra Sra. dela Candelaria sa Jaro, Iloilo City.
Ang mga biktima ay sina Joel Bolivar, 20, na may sugat sa kamay at dibdib; Emmanuel Espinosa, 25, na may sugat sa pwet at Mark Cyril Cajilig, 22 ng Brgy. Guintas Leganes, Iloilo na may sugat sa baywang.
Ang mga suspek naman ay si June Moralista, 23, ng Sitio Dapdap, Brgy. Tabuc Suba, Jaro, Iloilo City at tatlong hindi pa nakilalang mga suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Staff Sgt. Saturnino dela Cruz, imbestigador ng Jaro Police Station, sinabi nito na habang nasa tindahan ang mga biktima, nilapitan sila ng apat na mga suspek at pinagsasaksak.
Kaagad namang tumakas ang mga suspek matapos ang ginawang krimen.
Napag-alaman na ang pista ni Nuestra Sra. dela Candelaria sa Jaro, Iloilo City ay ang pinakamalaking pista sa Western Visayas.