-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Haharap ng kasong paglabag sa Revised Penal Code,Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act o Republic Act 11332 at falsification of public documents ang tatlong katao na nasa likod pagpalaganap ng mga peke na COVID-19 vaccination cards sa Northern Mindanao.

Nahuli ang mga suspek na sina Acmad Macapaar Musa,Jamaloden Ampaso Pacasum at Faisodin Dimakuta Comacasar na lahat nasa legal na edad,may asawa at nagmula sa Marawi City,Lanao del Sur.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Police Regional Office 10 spokesperson Lt Col Michelle Olaivar na mismo ang kanilang mga personahe mula sa Regional Special Operations Unit kasama ang Anti-Cybercrime Unit 10,Regional Intelligence Division at Divisoria Police Station ang lumusob sa paggawaan ng mg peke na vaccination cards dahilan na na-aresto ang mga suspek.

Nakompiska mula sa mga suspek ang higit tatlong libong piso na ginamit na buy-bust money,halos 10 piraso ng fake vaccination cards at ibang kagamitan ng kanilang illegal na operasyon.

Mismo nitong araw ang pagsampa ng pulisya sa kaukulang mga kaso laban sa arestadong mga suspek.

Magugunitang matagal nang nagre-reklamo at nagbabala ang City Health Office ng lungsod na umiwas ang publiko sa mga peke na health certificate o kaya’y depektoso na vaccination cards upang makaiwas sa anumang kompromiso.