Kinumpirma ni National Task Force (NTF) COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr. na hindi pa nga napag-usapan sa gabinete na nasa “second wave” na ng COVID-19 ang bansa, bagkus pinaghahandaan pa lamang nila ang posibilidad na mangyayari nga ito.
Taliwas ito sa naging pahayag ni Health Sec. Francisco Duque III na nasa “second wave” na ng COVID-19 ang Pilipinas at pinaghahandaan na ang “third wave” pero kanya ring binawi kalaunan.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Sec. Galvez na kabilang sa kanilang pinangangambahang pagmulan ng “third wave” ang pagbabalik ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) mula sa iba’t ibang bansa na infected din ng coronavirus 2019.
Ayon kay Sec. Galvez, nasa 27,000 OFWs na ang nasa bansa at may darating pang nasa 42,000 ngayong buwan hanggang Hunyo kaya baka kulangin ang mga quarantine facilities.
Sa ngayon, balak din daw nilang magsagawa ng declogging sa mga inbound flights para makauwi na ang mga stranded na OFWs at target na gawing 1,000 flights kada araw.