-- Advertisements --

Inaprubahan na ni Health Secretary Francisco Duque III ang paglunsad ng pangalawang COVID-19 booster para sa mga immunocompromised persons.

Ayon kay Duque, inaprubahan niya ito batay sa rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council.

Nilinaw nito na ang second booster dose ay para lamang sa mga immunocompromised na mga pasyente.

Kasama sa mga pasyenteng ito ang mga may kanser, mga tumatanggap ng mga organ transplant, at mga pasyente ng HIV/AIDS, bukod sa iba pa.

Binigyang-diin ni Duque na ang mga frontline healthcare providers at senior citizens ay hindi pa saklaw ng inaasahang paglulunsad ng second booster shots sa susunod na linggo.

Magugunitang ipinagkaloob ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para sa second booster shots para sa mga senior citizen, immunocompromised, at frontline health frontliners.

Ang EUA ay isang otorisasyon na ibinigay para sa mga hindi rehistradong gamot at bakuna sa isang emerhensiyang pampublikong kalusugan gaya ng pandemya ng COVID-19.

Una rito, inianunsiyo din ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakatakdang magsimula sa Abril 25 ang rollout ng pangalawang COVID-19 booster para sa mga immunocompromised na tao sa buong bansa.

Sinabi ni Vergeire na tanging ang mga immunocompromised na indibidwal na 18-anyos pataas ang papayagang makatanggap ng kanilang pangalawang booster shot na kasing-aga ng tatlong buwan pagkatapos ng kanilang unang booster.

Kabilang sa mga brand na gagamitin ay ang AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinopharm, at Sinovac.