Kinumpirma ng vaccine czar na si Carlito Galvez Jr., na nasa 250,000 doses ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccines na Moderna ang nakatakdang i-deliver sa Pilipinas sa darating na June 27.
Ayon kay Galvez, kabilang sa shipment ang mga binili ng private sector.
Ngunit bago ito, nasa 1.5 million doses naman ng Sinovac COVID-19 vaccines ang darating sa June 24.
Dagdag pa ni Galvez, tinatayang 2,028,000 AstraZeneca doses mula sa COVAX facility ang inaasahan na ipapadala rin sa bansa ngayong Hunyo rin.
Nakatakda ring i-deliver sa bansa ngayong buwan ang nasa 150,000 doses ng Sputnik V (component 2) vaccines.
Inaasahan din ang pagdating sa bansa ang donasyon mula naman sa Estados Unidos na mga COVID-19 vaccines sa katapusan ng buwan.
Samantala sa July, 11,670,000 COVID vaccine doses pa ang inaasahang darating sa bansa.
Ito ay ang mga sumusunod:
4.5 million Sinovac vaccine doses
1 million Moderna vaccine doses
1 million Sputnik V vaccine doses
1.17 million AstraZeneca vaccine doses ng private sector
4 million doses ng Astrazeneca o kaya Pfizer-BioNTech vaccines mula pa rin sa COVAX facility ng WHO.
Ayon kay Galvez, ang inisyal na pagtaya ng US-donated vaccines sa COVAX ay nasa 80 million doses.
Sa datos ng National Task Force, kabuuang 14,205,870 doses na ng COVID-19 vaccines na binili ng gobyerno at ng private sector at mga donasyon ng ibang bansa ang dumating na kabilang ang Sinovac, Sputnik V, Pfizer at AstraZeneca.
















