Patay ang 24 katao matapos na atakihin ng armadong kalalakihan ang isang drug rehabilitation center sa central Mexico.

Ito na rin ang pangalawang pag-atake sa nasabing drug rehab sa Irapuato, Guanajuato, sa halos isang buwan.

Bukod sa mga nasawi ay nasa pitong katao pa ang nasugatan na itinakbo sa pagamutan.

Base sa imbestigasyon ng mga kapulisan, bumaba mula sa truck ang mga armadong kalalakihan at pumasok sa gusali.

Pinadapa pa ang mga tao doon bago pinagbabaril.

Tinawag naman ni Guanajuato’s Attorney General Carlos Zamarripa na isang kaduwagan ang nasabing insidente dahil walang kalaban-laban ang mga nasawing biktima.